Dahil sa umanoy pag-uusyoso sa nagaganap na kaguluhan, isang 30-anyos na lalaki ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay matapos itong mapagkamalang kaaway kahapon ng madaling-araw sa Sta. Cruz Maynila.
Patay na bago pa man idating sa Jose Reyes Memorial Hospital sanhi ng mga saksak sa katawan ang biktimang si Segundo Sajorga, ng #1341 M. Dela Fuente St., Sampaloc ng nasabijng lungsod.
Mabilis namang tumakas ang suspect matapos ang insidente. Sa report ni Det. Jaime Gonzales ng Manila Police District (MPD)-Homicide section, dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa harapan ng Nesus Bldg. sa kanto ng AH Lacson at Consuelo Sts., Sta. Cruz, Manila.
Kasalukuyang nakatayo ang biktima sa tabi ng isang nakaparadang pampasaherong jeepney sa isang gasolinahan nang napansin nito ang komosyon sa harapan ng Mini Stop convenience store sa kanto ng Tayuman at Pedro Guevarra Sts., Sta. Cruz, Manila.
Tinangka nitong mag-usyuso nang napansin nito ang kanyang kalbigan na hinahabol ng suspek at tumatakbo patungo sa kanyang direksiyon kaya sumabay na rin ito sa pagtakbo.
Subalit pagsapit sa nasabing lugar ay nakorner ito ng suspek at kaagad na inundayan ng sunud-sunod na saksak na naging sanhi ng kanyang kamatayan. Gemma Amargo-Garcia