Nagkagulo ang mga pasahero nang masaksihan ang rambulan ng kanya-kanyang mga bodyguards nang sampalin ng gobernador ng Sulu ang mukha ng mayor ng Pangutaran, parehong sa lalawigan ng Sulu sa loob ng eroplano at paglapag ng mga ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakalawa.
Tila eksena sa pelikula ang naganap nang mag-engkuwentro ang dalawang mataas na opisyales ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) na sina Sulu Gov. Abdul Sakur Tan at Pangutaran, Sulu Mayor Ahmad Nanoh hanggang sa mauwi sa sampalan habang nag-aantay na ng kanilang mga bagahe sa carousel number 3 sa arrival area ng NAIA Centennial Terminal 2.
Nabatid na habang sakay ng Philippine Airlines flight PR 128 patungong Manila ay nauna nang nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ni Gov. Tan, Mayor Nanoh at anak nitong si Al Radzmin Nanoh hanggang sa dumating at luma pag ang mga ito sa NAIA T2 domestic nitong Linggo ng hapon.
Bago ang pananampal, nabatid na nagkaroon muna ng engkuwentro ang mga bodyguards nina Gov. Tan at Mayor Nanoh habang nasa eroplano at bumibiyahe ang mga ito sa harap na rin ng mga pasahero dahil na rin sa pagtatalo ng kani-kanilang amo hanggang sa dumating sa paliparan. Natigil lamang ang awayan ng dalawang kampo nang umawat ang mga nakatalagang airport policemen.
Gayunman, hindi nagtapos ang bangayan nang muling lapitan ni Gov. Tan si Mayor Nanoh habang nag-aantay sa paglabas ng kanyang mga bagahe sa carousel at saka dinuru-duro ng daliri nito at pinagsabihan ng salitang Tausug. “Umalis ka sa munisipyo nang hindi ka nagpaalam sa akin!” ani Tan sa salitang Tagalog.
Bago pa man nakasagot si Mayor Nanoh ay nasampal na siya ng gobernador, ayon na rin sa mga nakasaksi. Gayunman, hindi gumanti si Nanoh.
Mabilis na nagresponde ang mga operatiba ng Aviation Security Group at Airport Police Department sa pinangyayarihan ng kaguluhan at agad na pinaghiwalay ang dalawang opisyal maging ang kani-kanilang mga nagigiriang bodyguards.
Naiwan pa ring galit na galit si Gov. Tan habang si Mayor Nanoh at kanyang anak na lalaki ay mabilis na tumungo sa himpilan ng pulisya upang maghain ng reklamo sa pananampal. Inilahad ng alkalde sa pulisya kung paano siya pinagmumura ng gobernador habang magkasama at nasa loob ng eroplano patungong Maynila. Dahil sa pagkapahiya at pambabastos, itutuloy umano niya ang pagsasampa ng kaso laban sa gobernador.