Umaabot sa P36.4-M ang nalikom na pondo ng Land Transportation Office (LTO) mula sa mga huli nito sa mga pasaway na motorista mula buwan ng Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan.
Sa report ni Pacita Polig, Chief Admin and Custodial Section ng Law Enforcement Service (LES) ng LTO, ang mga deputized agents ng LTO sa Phil. National Construction Corp. ang may pinaka-mataas na nalikom na pondo mula sa kanilang huli sa mga motorista na dumadaan ng North at South Expressway na umaabot sa P9.3-Milyon
Ikalawa naman na nakalikom ng malaking pondo dahil sa huli sa mga motorista ay ang Field Enforcement Division sa Metro Manila at karatig lalawigan na umaabot sa P5.4 milyon na nalikom na pondo at ikatlo ang huli ng mga motorista sa NAIA na umaabot sa P1.04 Milyon ang nalikom dito ng LTO.
Umaabot naman sa P630,848.18 ang nalikom ng mga elemento ng Traffic Safety Division ng LTO at P298,037 sa iba pang huli ng LTO.
Sa rekord , ang paglabag sa RA 8794 o overloading ang may pinaka maraming paglabag ng motorista na umaabot sa 8,722 violations, sinundan ng paglabag sa RA 8749 o smoke belching na umaabot sa 5,283 violations at ikatlo ang pag- impound sa mga sasakyan na umaabot sa 785 violations. (Angie dela Cruz)