Isang grade two pupil ang tinamaan ng ligaw na bala at mapatay sa pamamaril ng isang pulis sa isang negosyanteng nakaalitan nito sa pulitika sa Balut, Tondo, Manila kahapon ng umaga.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Jerwin Turalba, mag-aaral sa Lacson Elementary School at residente ng Balut, Tondo.
Sugatan sa kanang balikat dahil sa tama ng bala si Archibald Bernardo, 28, binata, negosyante. Kusang sumuko sa Manila Police District ang suspek na si PO2 Bernardino Cruz, 37, nakatalaga sa MPD-Station1.
Nabatid na nag-ugat sa pulitika ang alitan nina Cruz at Bernardo. Ang suspek ay anak ng kasalukuyang barangay chairwoman sa lugar na si Corazon Cruz samantalang si Bernardo ay anak ng dating barangay chairman na si Remigio Bernardo na natalo sa nakaraang barangay election.
Lumitaw sa imbestigasyon na nagtagpo kahapon at nag-away sa panulukan ng Alfonso at Nepa Streets sa Balut sina Bernardo at Cruz hanggang pagbabarilin ng huli ang una.
Pero tinamaan ng ligaw na bala at napatay si Turalba na naglalaro sa naturang lugar nang mga oras na iyon.