Arestado ng Manila Police District (MPD) ang isang 37-anyos na mister na bumaril at nakapatay sa kanyang misis noong Linggo ng hapon matapos na magtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng zonrox sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng umaga.
Nakakulong ngayon sa detention cell ng MPD-Homicide section ang suspek na si Noel Peralta, janitor ng Lope de Vega building at residente ng #968 Kusang- Loob St., Sta. Crruz, Maynila.
Si Noel ay suspek sa pagpatay sa kanyang asawang si Virgina Peralta, 35.
Ang pagkakaaresto sa suspek ay isinagawa dakong alas-7 ng umaga sa harapan ng Petron gasoline station sa kanto ng Rizal Ave. at Pampanga St., Sta. Cruz, Maynila. Ang pagkakaaresto sa suspek ay bunsod sa naiwanang cellphone nito sa crime scene.
Ayon sa suspek, matapos ang dalawang araw na nagpalabuy-laboy ay nag-text pa sa mga imbestigador na nagsabing susuko na siya sa kundisyong makita ang burol ng asawa.
Gayunman, nagbago umano ang kanyang isip at gusto nito ay wakasan na rin ang kanyang buhay kaya uminom ito ng 42 tablets na Augmentin (antibiotic) at isang bote ng zonrox sa mismong kanto ng Rizal Ave., at Pampanga St., subalit naabutan siya doon ng mga mga tauhan ng pulisya. Matatandaan na binaril at napatay ng suspect ang kanyang asawa dakong ala-1:30 ng hapon noong Linggo matapos na nag-away.
Ayon sa suspek, wala umano itong balak barilin ang asawa kundi plano lamang itong takutin habang nakatutok sa kanyang ulo ang baril subalit nang tabigin umano ng kanyang asawa ay tuluyan itong pumutok. (Ludy Bermudo)