Nakaipon ng P200 thousand: Shoe shine na lolo tinodas

Isang 69-anyos na ‘shoe-shine na lolo’ o taga-linis ng sapatos ang hini­hina­lang pinaslang ng kan­yang ka­kilala ma­tapos matukla­san nitong meron siyang ma­laking naimpok na salapi sa tabi ng isang gusali sa Bi­nondo, Maynila kahapon ng umaga.

Nadiskubreng patay na at tadtad ng saksak ang bik­timang si Mar­garito Figue­ras, alyas “Bay”  sa kan­yang pinu­westuhang tulu­gan sa bang­keta na naka­ku­lambo pa.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng sus­pek na posibleng may kaga­gawan ng pama­maslang.

Pinag-aaralan ng pu­lisya ang anggulong may kakilala ang biktima na na­ka­aalam ng kanyang iti­na­tagong malaking ha­laga ng salapi. Narekober sa tabi ng biktima ang kan­yang pass­book na may lamang P58,000 at may time deposit pang umabot sa  P151,000.

Nabatid na may 10 taon na ang biktima na nakatira lamang sa gilid ng bangketa, sa nasa­bing lugar at ma­tagal na rin kilala bilang ‘shine boy.’

Nabatid ni Det. Paul Dennis Javier ng Manila Police District na may anak na seaman ang biktima at may kapatid din ito sa abroad na tu­mutulong sa kaniya su­balit mas pinili nitong manirahan sa bang­keta, dahil doon ito ma­saya kaysa umuwi sa kaanak. (Ludy Bermudo)

Show comments