Dinukot ng apat na armadong kalalakihan na nakasuot ng uniporme ng Special Weapon and Tactics ng Philippine National Police (SWAT-PNP) ang isang negosyanteng Intsik habang ang una ay papauwi na sa kanyang bahay sa lungsod ng Valenzuela, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ayon kay Chief Insp. Danilo Bugay, hepe ng Station Investigation and Detective Management Bureau (SIDMB) ng Valenzuela police, patuloy ang follow up operations na isinasagawa upang matukoy ang kinalalagyan ng biktimang si Wilbert Kuo, 36, may-asawa, anak ng may-ari ng Evergreen Textile Mills na matatagpuan sa Sitio, Basalao, Bagbaguin sa lungsod.
Sa kasalukuyan, ayon kay Bugay, nahihirapan silang matukoy ang kinalalagyan ng biktima dahil maging ang mga kaanak nito ay hindi nakipag-cooperate sa kanila. Wala rin umano silang impormasyon kung nakakatanggap na ng tawag ang mga kaanak mula sa mga kidnaper kung kaya blangko pa rin sila sa anumang impormasyon kaugnay dito.
Ayon sa ulat ni SPO1 Armando de Lima, imbestigador sa kaso, alas -6 ng gabi nang maganap ang pagdukot sa may panulukan ng A. Mariano St., Bagbaguin sa lungsod.
Sinasabing nagawang madukot ang biktima nang magkunwari ang mga suspek na kagawad ng pulisya kung saan nakauniporme ang mga ito ng itim na long sleeves na may tatak ng SWAT sa harap at PNP naman sa likod at nagmamando ng trapiko sa lugar.
Lulan kahapon ang biktima sakay ng kanyang itim na KIA Carnival (ZNR-982) sa lugar ay agad na pinahinto ito ng mga suspek, saka inatasang buksan ng una ang pintuan ng kanyang kotse.
Nang mabuksan ay mabilis na sumakay ang mga suspek kung saan isa sa mga ito ang nang-agaw sa manibelang hawak ng biktima, saka ito tuluyang pinaandar.
Subalit dahil hindi alam kung papaano paandarin ang sasakyan ng biktima ay hindi ito gumana kung kaya agad na nagdesisyon ang mga suspek na lumipat na lamang sa dala nilang sasakyang isang Mitsubishi na kulay dirty white (PNN-173) kasama ang biktima na nakaposas na at mabilis na pinaharurot ito patungong Gen. Luis St., sa nasabing lugar.
Sa kasalukuyan, patuloy ang kanilang pangangalap ng testigo na tutukoy sa pagkakakilanlan ng mga suspek na pinaniniwalaang malaking sindikato ng kidnap for ransom.