Driver todas sa 3 holdaper

Patay ang isang 42-anyos na drayber makaraang pagbabarilin ito ng isa sa tatlong holdaper na magkakaangkas sa motorsiklo na humarang sa kanila matapos nilang manggaling sa bangko kahapon ng  umaga sa Marikina City.

Kinilala ang nasawing biktima na si Jose Canlas, residente ng Felix Avenue,  Brgy. Dela Paz, Pasig City, ito ay nagtamo ng tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan, habang nakaligtas naman ang kasama nitong si Marites Liabres, 38,  sekretarya, kapwa mga empleyado ng Clean Auto Works and Car Wash Clea­ner na matatagpuan sa Brgy. Dela Paz Pasig City.

Ayon kay Supt. Sotero Ramos, hepe ng Marikina police, naganap ang insidente dakong alas -10:30 ng umaga matapos na magtungo ng United Coconut  Planters Bank na matatagpuan sa kahabaan ng Gil Fernando Avenue Brgy. San Roque ng lungsod na ito ang mga biktima sakay ng Suzuki Multicab na may plakang YFV-263.

Habang binabagtas ng mga ito ang kahabaan ng nasabing lugar ay bigla na lang silang hinarang ng isang motorsiklo na walang plaka at lulan ang tatlong hindi pa kilalang mga holdaper   dalawa sa mga ito ay armado ng baril.

Walang sabi-sabing pinagbabaril ng dalawa sa mga suspek ang drayber at matapos ay agad na nilapitan ang sekretaryang si Liabres at kinuha ang dalang bag nito na naglalaman ng halagang P7,000 cash sabay takas patungo sa hindi mabatid na direksyon.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na inakala ng mga suspect na nagwithdraw ng malaking pera ang dalawang biktima sa nasabing bangko kaya ito hinol­dap. (Edwin Balasa)

Show comments