Tsinoy sugatan sa holdap

Sugatan ang isang negosyanteng Tsinoy makaraang barilin ng isa sa limang naka-bonnet na lalaki na nangholdap sa kanya at tumangay pa  sa mamahaling sasakyan  nito, kahapon ng mada­ling-araw sa Quezon City. Ginagamot ngayon sa St. Luke’s Medical Center dahil sa tama ng bala sa katawan ang biktimang nakilalang si Warren Ng, 31, ng  Brgy. New Manila, ng naturang lungsod. Sa ulat ng Quezon City Police District-Station 10, naganap ang insidente dakong alas-4:25 ng umaga sa panulukan ng Timog Avenue at Scout Torillo street, Brgy. Sacred Heart ng naturang lungsod. Nabatid na katatapos pa lamang mag-withdraw sa ATM machine ng Metrobank sa naturang lugar si Ng kasama ang kanyang driver na si Jorge Amorado nang bigla silang harangin ng limang armadong lalaki na nakasuot ng bonnet.

Ayon pa sa ulat, pumalag umano ang biktimang si Ng kaya ito binaril ng isa sa mga suspek.  Dito naman sila sapilitang pinalabas sa sinasakyang Toyota Grandia (ZMN-973) at tinangay ang kanilang kotse sa pagtakas. Mabilis namang isinugod ni Amorado ang kanyang among Tsinoy sa pagamutan.  Hindi pa naman malinaw ang halaga ng salapi na tinangay ng mga suspek buhat sa biktima. (Danilo Garcia)

Show comments