Lima-katao, kabilang ang isang 4-anyos na bata ang nasugatan makaraang maghabulan ang isang pulis at isang residente sa Taguig City, kahapon ng hapon.
Batay sa ulat ng pulisya, pasado alas-3 ng hapon nang mangyari ang nasabing insidente sa Maharlika Village, nabanggit na lungsod.
Sa inisyal na ulat, unang hinabol ng umano’y isang pulis na nakuha lamang sa pangalang PO1Jet Paguyo ang isang nagngangalang Faizal Endeng. Ang nasabing senaryo ay nasaksihan naman umano ng mga kamag-anak ni Faizal kung saan ilan sa mga ito ay nagtangkang harangin ang suspect.
Nabatid na sa hindi inaasahang pagkakataon ay nadapa ang suspect na noon ay bitbit ang baril na shotgun, dahilan upang aksidenteng pumutok ito na naging dahilan upang tamaan naman ang ilang miyembro ng pamilya ni Faizal na humarang sa una.
Kabilang sa mga tinamaan ay ang 4-anyos na si Ebrahim Endeng na kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon sa Rizal Provincial Hospital bunga ng isang tama ng bala sa ulo buhat sa baril ng suspect, Habib Basil, 10; Mike Sabale, 39; at dalawa pa mula sa pamilya Basil.
Isang masusing imbestigasyon naman ang isinasagawa ng Taguig City Police hinggil sa nasabing insidente. (Rose Tamayo-Tesoro)