Lumikha ng matinding takot sa mga kawani ng isang commercial establishment at kalapit na bangko ang natagpuang improvised bomb sa gilid ng isang guard house kahapon ng umaga sa Las Piñas City. Alas-11 ng tanghali nang matanggap ng pulisya ang impormasyon hinggil sa pagkakatuklas ng vendor na si Alejandro Lara, sa isang hinihinalang bomba na inilagay sa tabi ng guard house na malapit sa entrance gate ng Wilcon Depot na nasa Zapote Road, Brgy. Almanza Uno sa naturang lungsod. Napag-alaman na ang security guard ng Allied Bank na katabi lamang ng naturang establisimento ang tumawag sa pulisya matapos matuklasan ang iniwang bomba. Kaagad namang nakapagresponde sa naturang lugar ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Division at Special Weapons and Tactics ng Las Piñas police at kaagad na ginamitan ng water charge ang bomba upang hindi na lumikha pa ng panganib. Sinabi ni Raquion na dadalhin nila sa Crime Laboratory ang naturang bomba upang masuri kung anong kemikal ang ginamit habang nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang pulisya upang alamin kung sino ang naglagay nito at kung ano ang motibo. (Lordeth Bonilla)