Masusing pag-iinspeksiyon ang isasagawa ng mga tauhan ng Manila Police District sa mga condominium building sa lungsod upang masiguro na hindi ito ginagamit na shabu laboratory.
Ayon kay Supt. Nelson Yabut, Hepe ng MPD-Station 11, ang inspeksiyon ay bunsod ng pagkakatuklas kamakailan sa isang silid sa isang condominium na ginagamit sa paggawa ng shabu.
Gayunman, nilinaw ni Yabut na bago ang isasagawang inspeksiyon ay makikipagpulong ito sa mga Building Administrator ng mga condominium unit partikular sa Binondo area upang matiyak na walang lalabaging batas dito.
Kaugnay nito, sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 sa City Prosecutor’s Office si Samson Tan Lim, 30, Chinese national, ng 22nd floor, Fortune Palace sa Reina Regente St., Juan Luna, Binondo makaraang masamsam ang tinatayang P100 milyon halaga ng shabu sa kanyang inuupahang condo unit.
Nakumpiska sa pagsalakay sa condominium unit ni Lim ang 50 kilo ng shabu na may P100 milyon na market value.
Ang condo unit ni Lim ay ginagawang drying area ng mga ipinapadalang timpladong liquefied shabu saka pinapatuyo hanggang maibenta sa lansangan. (Grace dela cruz)