Nalambat ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Taguig City Police Station ang isang tiwaling pulis na pinaghihinalaang kasapi ng “Taguig Ninja“ at ang kasabwat nitong babaeng emisaryo matapos na ireklamo ng pangongotong sa isinagawang entrapment operation sa Taguig City.
Kinilala ang naarestong suspect na si PO2 Ruchyl Gasid, kasapi ng Anti-Illegal Drugs Investigation Division Special Operations Task Group ( District Enforcement Unit ) DEU ng Taguig Police Station. Gayundin ang kasabwat nitong si Elsa Upan na hindi nakapalag matapos na posasan ng arresting team ng pulisya.
Ang dalawa ay inaresto sa aktong tinatanggap ang P70,000 marked money mula sa Geralsa Languiab, asawa ng nakakulong na si Sidin Languiab na inaresto ng grupo ng nasabing parak na kasapi ng “Taguig Ninja”. Ang “Taguig Ninja” ay isang grupo ng mga tiwaling pulis na sangkot umano sa hulidap.
Base sa reklamo ni Gng. Languiab, Mayo 14 nang salakayin ng nasabing pulis at ng isa pa nitong kasamahan ang kanilang tahanan saka inaresto ang kaniyang mister. Naghalughog umano sina Gasid maging sa kisame ng kanilang tahanan at ng walang makitang droga ay tinangay ang diver’s watch ng kanyang asawa, dalawang cellphone at ang pera nitong P100,000 na di pa nakuntento ay binitbit ito at ikinulong pa sa presinto ang kaniyang mister.
Sa pamamagitan naman ng emisaryong si Upan , sinabi nito na humihingi umano si Gasid ng P 50,000 kapalit ng kalayaan ng kanyang asawa para ’di na ituloy ang kaso laban dito.
Ang nasabing halaga ay pina dagdagan pa umano ng P20,000. Dito na inihanda ang bitag sa grupo ng suspect na nagresulta sa pagkaaresto sa dalawa. Sa nasabing pay-off ay nakatakas ang isa pang suspect na kinilalang si PO2 Ronnie Fabroa.