Dahil sa labis na pangamba matapos ang natanggap na pagbabanta ng “bomb attack” ng mga higanteng oil companies na nakabase sa Makati City ay mas pinaigting ng pulisya ang seguridad sa loob at labas ng mga nabanggit na kompanya simula kahapon.
Batay sa ulat ng pulisya, partikular na binabantayan ngayon ang mga punong-tanggapan ng Pilipinas Shell, Petron Corp. at Chevron-Caltex sa Makati City.
Nabatid na may kaugnayan din umano ang pagdadagdag ng pwersa ng kapulisan sa mga nabanggit na tanggapan ng oil companies sa napipintong ikakasang malawakang kilos-protesta na isasagawa sa May 12 ng mga transport groups. Sinasabing ang nasabing bantang “bomb attack” na ang target ay mga nabanggit na tanggapan ng mga oil companies sa Makati City ay bahagi umano ng protesta ng ilang elemento sa walang humpay at anila’y hindi makatarungang lingguhang pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Simula kahapon ay pitong patrol car na rin ng pulisya ang itinalaga at nagpapatrulya sa mga nabanggit na oil companies upang bigyang-proteksiyon ang seguridad ng mga ito.