Nakatakdang ilipat ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) ang daang kahon ng mga bala at pampasabog na nakumpiska sa isang bodega na pag-aari ng isang Tsinoy sa Valenzuela City.
Ito’y matapos na ipag-utos ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronaldo Puno upang hindi na magawang maitakas ang naturang mga bala sa loob ng bodega ng Stronghand Inc., sa Service Road, Brgy. Paso de Blas, Valenzuela City ng may-ari nito.
Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kasong illegal possession of ammunitions at explosives laban sa may-ari ng bodega na si Kedin Go Cedenio bukod pa sa kakaharapin dahil sa pag-ooperate ng walang business permit at lisensya sa Valenzuela City Government.
Nakatakda rin naman na bigyan ng spot promotion ni Puno ang mga bumbero na rumesponde sa lugar kung saan naagapan na kumalat ang apoy na mahagip ang mga bala at pampasabog na posibleng lumikha ng napakalakas na pagsabog na maaaring ikasawi ng maraming buhay sa mga residente at mga motorista sa North Luzon Expressway.
Partikular na inatasan ni BFP director, Chief Supt. Enrique Linsangan na ibigay na ang mga dokumento at pisikal na mga ebidensya na nakalap sa lugar ng sunog sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na siyang nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon.
Matatandaan na naganap ang sunog nitong alas-9 ng gabi ng Abril 5. Dito nadiskubre ng mga bumbero ang 200 kahon ng iba’t ibang bala, 120 kahon ng slugs, smokeless powders at 1,600 kahon ng firearm primers. (Danilo Garcia)