Sa halagang P50 maaring masibak sa puwesto ang isang pulis-Maynila matapos itong ireklamo ng pangingikil ng mga vendor kamakalawa ng hapon.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAS) ang suspek na si P03 Reynaldo Borjal, nakatalaga sa MPD-Tondo Station.
Si Borjal ay inireklamo ng pangingikil ng isang Mary Grace Villesaca, 25, vendor ng #658 San Marcelino St., Ermita, Maynila.
Sa ulat, dakong alas-4:30 ng hapon ng maganap ang umano’y pangingikil malapit sa Bonifacio Shrine sa Arroceros ng nasabing lungsod.
Ayon kay Villesaca, kasalukuyan umano siyang nagtitinda sa nasabing lugar nang bigla na lamang siyang lapitan ng mga miyembro ng Eagles at nanghihingi ng halagang P20 para umano sa kanilang pagtitinda sa nasabing lugar, subalit tumanggi naman umanong magbigay ang biktima.
Sumunod umanong dumating ang isang di-nakikilalang babae na may suot na ID ng Department of Public Safety (DPS) at nanghihingi din umano ng pera subalit hindi pa rin nagbigay ang biktima.
Bandang alas-4:30 ng hapon nang dumating naman si Borjal at galit na tinawag ang biktima at minura saka nagsabi ng “akala ko ba nagkakaintindihan na tayo, nag-usap na tayo di ba gumagaya sa iyo yong ibang vendor”.
Dagdag pa ng biktima na hininihingan siya ni Borjal ng P50 subalit nanindigan itong hindi magbigay kung walang pahintulot umano ng may-ari ng tindahan kaya’t napilitan itong ireklamo ang suspek sa mga kabaro nito. (Gemma Amargo-Garcia)