Mister at lover sinabuyan ng asido ni misis

Sinabuyan ng asido ng isang misis ang kanyang mister at ang kalaguyo nito matapos na mahuli ng una ang huli sa akto na magka­yakap at nakahiga sa kama sa Sta. Mesa Maynila, kama­kalawa ng hapon.

Ang misis na si Leslie Cosico, 29, call center agent at residente ng #4895 Saturn st., ADB Sub­division  Brgy. del Remedio, San Pablo City, Laguna  ay nag­pupuyos sa galit nang du­mulog sa Manila Police District-Station 8 upang irek­lamo ang kanyang mis­ter na si James Nicholas Cosico, 30, naninirahan sa #4806 Hypodrome  St., Sta. Mesa Maynila  at ang ka­laguyo umano nito na na­kilala lamang sa pa­ngalang “Jenny”.

Sa reklamo ni Leslie, dakong alas-6:30 ng hapon umano nang magtungo siya sa inuupahang bahay ng kanyang asawang si Nicholas upang makita ang kalagayan nito kung bakit lingguhan na lamang uma­no itong umuwi sa kanilang bahay. Inakala umano ni Leslie na may sakit ang kan­­yang asawa kung kaya’t hindi na nito ma­kuhang umuwi araw-araw pagka­tapos ng duty nito bilang isang call center agent.

Bunsod nito’y, pinunta­han ni Leslie ang nasabing tinitirhan ni Nicholas at dito ay  laking gulat umano niya nang makitang magkatabi sa isang kama ang huli at si Jenny habang ito ay naka-bra at shorts lamang.

Dahil sa nakita ay nag­dilim umano ang paningin ni Leslie at agad na ku­mu­ha ng muriatic acid  mula sa comfort room ng bahay at mabilis na ibinuhos sa mukha ni Jenny at ng  kan­yang asawa.

Nakuha rin ni Leslie na pagbubugbugin si Jenny bunsod ng matinding galit at pagka-insulto umano sa kanyang nakita. (Grace dela Cruz)

Show comments