Driver na makulit binoga

Dahil sa sobrang pangu­ngulit sa nawawalang kariton, isang driver ang nag-aagaw buhay ngayon sa pagamutan makaraang pagbabarilin ng isang guwardiya kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Kasalukuyang inoobser­bahan sa intensive care unit ng Pasay City General Hospital bunga ng tama ng bala sa dibdib at tiyan ang biktimang si Edwin Vergara, 30, residente ng Unit-E 2747 Zamora Building, Zamora St., ng nabanggit na lungsod.

Ang suspek na kinilalang si Edgardo Fernandez, 38, ng Philippine Air Hawk Security Agency ay agad namang na­aresto ng pulisya.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-12:10 ng madaling-araw, ang biktima kasama ang kanyang kaibigan na si Jonard Banjao, 20, hel­per, ay galing sa isang videoke bar malapit sa naturang lugar.

Naglalakad ang magkaibi­gan pauwi sa kanilang bahay at sandaling huminto ang mga ito sa tapat ng Zamora building para kunin ang ipinaradang kariton.

Dahil nawawala ang ipina­radang kariton, inusisa ng biktima ang guwardiyang nag­ba­bantay sa gusali kung po­sib­leng nakita nito ang kumuha.

Dahil sa nakulitan na umano ang suspek sa patuloy na pagbibintang ng biktima, nag-init ang ulo nito dahilan upang bumunot ito ng baril at agad na pinaputukan ang huli hanggang sa duguan itong humandusay sa kalsada. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments