Dalawa katao ang nasawi at malubhang nasugatan ang isa pa matapos sumalpok ang isang motorsiklo sa isang pampasaherong jeep kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City.
Namatay sa mismong lugar ng pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Rey Leonardo, 37, messenger ng 66 Daungan St., Malhakan, Meycauayan, Bulacan dahil sa tinamong grabeng pinsala sa katawan.
Hindi naman umabot ng buhay sa National Orthopedic Center ang biktimang si Baby Cerias, 32, ng Villa Socorro, Marilao, Bulacan, habang si Vilma Datol, 34, nakatira sa #53 Soriente St., Tugatog, Meycauayan, Bulacan ay patuloy pa ring inoobserbahan sa naturang pagamutan.
Kasalukuyan namang nakapiit sa Valenzuela City Traffic Eneforcement Unit (VCTEU) at nahaharap sa kaukulang kaso ang driver ng jeep na si Jacinto Buan, 65, ng 436 Dulong Tangke, Brgy. Malinta ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Mc Arthur Highway at M.H. del Pilar St., Brgy. Malanday, Valenzuela City.
Sa nakalap na impormasyon, binabagtas ng jeep na may plakang TVL-603 (may rutang Malanday-Divisoria) na minamaneho ni Buan ang kahabaan ng Mc Arthur Highway, nang bigla na lamang sumalpok sa harapan ng sasakyan nito ang isang Honda Wave na motorsiklo na may license plate number na CE-7739 na minamaneho naman ni Leonardo habang nakaangkas naman ang dalawa pang biktima.
Dahil sa lakas ng pagkakasalpok ay tumilapon ang tatlong biktima sa magkakahiwalay na direksiyon kung saan ay agad na namatay si Leonardo, samantalang sina Datol at Cerias ay agad na naisugod sa nabanggit na pagamutan ngunit hindi na rin umabot ng buhay ang huli. (Lordeth Bonilla)