Anak binubugaw ng ina, nagka-‘tulo’

Naaresto ng mga opera­tiba ng Manila Police District (MPD) ang isang 52-anyos na ginang sa aktong binubugaw ang kanyang sariling anak na nagkasakit ng ‘tulo’ kamakalawa sa Sta. Cruz Maynila.

Kasalukuyang nakapiit sa MPD-Integrated Jail ang suspek na si Mila Zialcita, vendor ng #111 Pobre St., Tugatog Malabon City dahil sa reklamo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa ulat  ni Insp Medina Ole­ga, hepe ng MPD-Child­ren and Women’s Desk (CWD), dakong alas-3:30 kamakalawa ng hapon nang arestuhin ang suspek sa harapan ng Blue Moon Lodge sa kanto ng Oro­quieta at Quiricada Sts., Sta. Cruz, Manila.

Ayon sa salaysay ni Herminia Salonga, emple­yado ng DSWD, noong Enero 2007 ay kabilang si Gina (hindi tunay na pa­ngalan), 14, anak ng sus­pek, sa  kanilang na-rescue sa isinagawa nilang ope­ras­yon sa mga batang na­sadlak sa prostitusyon.

Matapos ma-rescue si Gina ay dinala ito sa Philip­pine General Hospital (PGH) para ipa-check-up su­balit tumakas ito at bu­malik sa poder ng kanyang ina.

Nabatid na sa medical check-up ay napatunayang nahawa sa sakit na Sexually Transmitted Disease (STD) si Gina sa kanyang mga kostumer na mismong ina nito ang nagbubugaw.

Natapos ang mahigit isang taon, kamakalawa ng hapon ay muling nakita ng DSWD ang suspek at anak nito sa harapan ng na­sabing motel dahilan upang magsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagka­ka­aresto ng suspek at nakuha ng mga awtoridad si Gina.

Sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at Child Abuse Law laban sa suspek.

Show comments