Patay ang isang 58-anyos na lolo habang agaw-buhay naman ang kanyang isang taong gulang na apo nang pagbabarilin sila ng dalawang armadong kalalakihan kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Binawian ng buhay habang isinusugod sa Olivarez General Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng biktima na si Manuel Lim, caretaker, ng 02 Phase 5, Manuyo Dos ng nabanggit na lungsod.
Kasalukuyan namang inoobserbahan sa intensive care unit ng Las Piñas Doctors Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ang apo nito na si Merrielle Ann Lim ng nabanggit na lugar.
Kasalukuyan namang hinahanap ng awtoridad ang suspek na si Bryan Mendoza, nasa hustong gulang, nanunuluyan sa Samab Mape Phase 5 Manuyo Dos ng naturang lungsod at ang kanyang kasama na hindi na nabanggit ang pangalan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon nina SPO1 Aristotle Raquion at PO3 Eduardo Rodaje ng Criminal Investigation Division ng Las Piñas City Police, nasa pagitan ng alas-7:45 ng umaga hanggang alas-8:20 ng umaga kahapon nang mangyari ang nasabing krimen sa tirahan ng pamilyang Lim sa naturang lugar. (Rose Tamayo-Tesoro)