Pinapurihan ng may 26 na miyembro ng Quezon City Council si Quezon City Mayor Feliciano “SB” Belmonte dahil sa mahusay na pamumuno at pangangasiwa sa lungsod kaya’t naibuslo ng QC ang pagiging isa sa Top 10 Asian Cities of the Future 2007 award.
Isang resolusyon ang ginawa ng naturang konseho para dito na agad namang nilagdaan ng 26 na konsehal ng lungsod bilang pagkilala sa magandang nagawa ni Belmonte.
Ang naturang award ng QC ay base naman sa isinagawang Asia-wide survey noong 2007 ng Asiabiz Strategy sa hanay ng maliliit at malalaking lunsod sa may 200 lungsod sa Asya.
Sa resulta ng survey noong nakaraang buwan, nakuha ng QC bilang ika-7 lungsod sa Top 10 Asian Cities of the Future, ika-5 sa Best Economic Potential category, 3rd bilang Most Cost-Effective, 6th bilang Best Human Resources at 10th placer bilang Best Quality of Life category.
Hinangaan ng mga konsehal ang tagumpay na nakamit ng QC dahil sa mahusay na pamamahala ni Belmonte upang ang lungsod ay maging isang Quality Community na mararamdaman at makikita ng mga taga-lungsod.
Ang QC din ay kinilala bilang best managed city dahil sa mataas na tax collection nito sa loob ng limang taon mula nang manungkulan bilang Alkalde si Belmonte. (Angie dela Cruz)