Nakaiskor kahapon ang awtoridad laban sa mga notoryus na mga miyembro ng holdup and robbery syndicate makaraang masakote ang tatlo sa mga ito ng mga elemento ng Mobile Patrol Group (MPG) sa aktong hinoholdap ang isang empleyada, kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.
Kinilala si Supt. Alfred Corpus, hepe ng Taguig City Police ang mga naarestong suspect na sina Bobby Sausa, 29; Jonito Calton, 27 at Vicente Guinoo, 35, pawang mga residente ng PNR Site na ilang metro lamang ang layo mula sa gusali ng TESDA.
Batay sa ulat ni P/Chief Insp. Eufronio Obong Jr., may hawak ng kaso, dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang unang biktimahin ng mga suspect ang isang pasahero sa harapan ng gusali ng TESDA na nasa East Service Road, Brgy. Western Bicutan, Taguig City.
Nabatid na habang naghihintay ng masasakyan ang biktima na si Rose Buenavides, nang bigla na lamang lapitan ng tatlong armadong lalaki at agad na nagdeklara ng holdap.
Tiyempo namang nagpapatrolya sa lugar ang mga tauhan ng MPG-Taguig kung saan naaktuhan nila ang panghoholdap ng mga suspect sa biktima.
Tinangka namang manlaban ng biktima kung kaya’t galit na sinaksak ito ng isa sa mga suspect sa kanyang kanang braso.
Dito agad na nakapagresponde ang mga awtoridad kung saan nailigtas ang biktima at nadakip ang mga suspect.
Samantala, upang tiyakin ang kaligtasan ng mga commuters sa lugar, inatasan ni Mayor Sigfrido Tinga si Supt. Corpus at MPG-Taguig chief Eduardo Mariano na magsagawa ng regular na pag papatrolya bunga na rin ng mga sunud-sunod na holdapan sa harapan ng TESDA Building kung saan malimit na nabibiktima ay mga kawani o aplikante rito. (Rose Tamayo-Tesoro)