Agad na ipinag-utos ni Manila Mayor Alfredo S. Lim sa mga kompanya ng langis na magtalaga ng safety inspectors upang matiyak na hindi na mauulit pa ang naganap na pagsabog ng isang oil tanker na ikinasawi ng isa at nagdamay ng mahigit sampung sasakyan, sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ipinabubusisi na rin ng alkalde sa mga imbestigador ng Manila Police District (MPD) ang naganap na pagsabog ng tanker upang alamim kung may motibong hiyain ang pamahalaan.
Nagbabala din si Lim sa mga oil companies na hindi na dapat pang maulit ang nasabing insidente lalo’t may lumalabas na report na may leak o tagas ang nasabing oil tanker na nagdala ng kapahamakan at pagkitil ng buhay.
Dapat aniyang, tiyakin ng mga oils companies ang kaligtasan ng mga mamamayan lalo na’t highly-combustible ang kanilang negosyo. Hindi umano prayoridad ang negosyong ito kung malalagay sa panganib ang buhay ng publiko,” ani Lim.
Matatandaang naging kontrobersiyal ang pagpapalayas sa tatlong higanteng kompanya ng langis sa Pandacan oil depot na sinasabing banta sa buhay ng mga residenteng nasa paligid lamang nito. (Ludy Bermudo)