Isang babae ang nasawi makaraang sumabog ang may singaw na tangke ng Liquefied Petroleum Gas habang dalawa pa ang malubhang nasugatan kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Namatay habang ginagamot sa Quezon City General Hospital ang 34-anyos na si Marlyn Castro, ng #205 Masagana Compound, Brgy. Bahay Toro Quezon City. Ginagamot naman sa naturang pagamutan ang dalawa pang biktima na sina Dominador Tubon, 29; at Edilberto Laraga, 44, kapwa residente rin ng naturang lugar.
Ayon kay SFO1 Renato Delamete, ng Quezon City Fire Department, dakong 5:45 kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente sa mismong inuupahang apartment ng mga biktima.
Nagsasaing ng bigas si Tubon gamit ang uling na kalan habang binuksan naman ni Laraga ang kalan ng LPG upang mag-init naman ng tubig. Dito nila napansin na sumisingaw ang tangke kaya agad na dinala sa banyo at binuhusan ng tubig.
Makaraang ang ilang sandali, dito na narinig ng mga kapitbahay ang malakas na pagsabog. Dito napuruhan ng apoy si Castro na naghuhugas naman ng pinggan sa kusina habang nalapnos naman ang bahagi ng katawan nina Tubon at Laraga.
Matatandaan na unang sumabog rin ang isang LPG tank sa isang laundry shop sa Kamias Road, may apat na araw na ang nakararaan na ikinasugat ng isang babae. (Danilo Garcia)