Babaklasin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga tarpaulins na nagsasaad ng mga Christmas at holiday greetings ng mga pulitiko na umano’y walang pakundangang ikinabit sa mga hindi tamang lugar.
Sa panayam kay MMDA general manager Roberto Nacianceno, sinabi nito na nakatakda silang magsagawa ng operasyon sa buong Metro Manila sa pagtatanggal ng nasabing mga tarpaulins.
Nabatid na kahit sa mga delikadong lugar gaya ng mga kawad ng kuryente na posibleng magdudulot ng panganib sa buhay at mga ari-arian sa sandaling magkaroon ito ng short circuit ay may mga nakakabit din na mga tarpaulins.
Sinabi pa ni Nacianceno na una ng nagkaroon ng kasunduan ang MMDA at mga Metro Manila mayors sa pagkakabit ng kanilang mga tarpaulins o anumang mga anunsiyo sa mga designated places o tamang lugar kung saan mismong ang ilang mga mayors pa umano ang unang nagsangguni ng nasabing hakbang, pero marami pa rin ang lumabag.
Sinabi pa ni Nacianceno na maituturing na isang “visual pollution” ang walang pakundangang pagkakabit ng mga tarpaulins ng nasabing mga ‘pasaway’ na pulitiko. (Rose Tamayo-Tesoro)