Isang houseboy ang ipinaaresto ng kanyang amo matapos na tangayin nito ang P48,000 upang gamitin sa pagtatanan, kamakalawa ng umaga sa Mandaluyong City. Kinilala ang suspek na si Michael Ramos, 19, binata, houseboy at nakatira sa #596 Sitio 3, Barrio San Jose, ng nabanggit na lungsod. Inireklamo ito ng kanyang among si Jose Francisco. Ayon sa ulat, dakong alas-6 ng umaga nang madiskubre ng biktima na wala na ang kanyang pera na nagkakahalaga ng P48,000 na nakalagay sa drawer ng cabinet nito.
Napag-alaman na noong Dec. 12 dakong alas-11 ng umaga nang bigla na lamang umalis ang suspek sa bahay ng biktima nang walang paalam. Nabatid na hindi na bumalik pa ang suspek sa bahay ng kanyang amo kung kaya naghinala ito na ang suspek ang nagnakaw ng nasabing halaga ng pera. Samantala, nakatanggap ng isang tawag si Francisco mula sa isang babae na nagpakilala na kaibigan ng suspek at sinabi nito na alam niya kung saan pwedeng matagpuan ang kanyang katulong na nakatakdang makipagkita sa kanyang kasintahan sa Chowking Parañaque. Dahil dito, agad na nagtungo sa nasabing food chain ang biktima kasama ang mga pulis at pagpasok ng mga ito sa nasabing food chain ay namataan na nila ang suspek at agarang dinakip. Sa himpilan ng pulisya ay nakuha sa pag-iingat ng suspek ang perang nagkakahalaga ng P13,000 at sinabi nito na yun na lamang ang natitira sa ninakaw niyang pera na gagamitin sana sa pagtatanan sa nobya. (Edwin Balasa)