Bunsod ng pagtatanggal ng mga illegal na koneksiyon ng kuryente, binaril ng hindi nakikilalang suspek ang isang lineman ng Meralco kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila. Sugatan ang biktima na si Javiniar Abner, 51, matapos na targetin ng bala ng airgun ng suspect. Nabatid mula sa imbestigasyon na nagtatanggal umano ng mga illegal na koneksiyon ng kuryente sa Gate 16 ng Parola Compound Tondo, Maynila ang biktima dakong alas-9:45 ng umaga. Bigla na lamang umanong nakarinig ng putok ng airgun galing sa hindi mabatid na lugar ang grupo ng biktima at kasabay nito ay muntik na umanong mahulog si Abner sa inakyatang poste at dito nadiskubre na may tama ng bulitas sa kanyang pige. Mabilis naman umanong ibinaba ang biktima mula sa poste at nilapatan agad ng paunang lunas. Sinabi naman ng pulisya na patuloy ang kanilang pagsasagawa ng imbestigasyon para agad na makilala ang suspect. (Grace dela Cruz)
Empleyado ng city hall binoga, patay
Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang empleyado ng Manila City Hall ng di kilalang suspect kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila. Nakilala ang biktima na si Randy Sareno, 26, residente ng No.1158 Sta.Clara St., Sampaloc Manila. Habang patuloy naman na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na agad na tumakas matapos ang insidente. Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya na ang biktima ay sakay ng kanyang tricycle mula sa trabaho nang sa kanyang pagbaba ay bigla na lamang umanong sumulpot ang suspek at mabilis na binaril ang biktima at saka tumakas. Tinitingnan naman ng pulisya ang posibilidad na mayroong kaaway ang biktima at pinaghigantihan ito. (Grace dela Cruz)
Lolo biktima ng salvage
Isang lolo ang posibleng biktima ng salvage matapos na matagpuan ito na nakatali ang mga paa’t kamay habang nakalutang sa isang estero kahapon sa Balut, Tondo, Maynila. Ang biktima ay nasa edad pagitan ng 60-65, 5’4’’ ang taas, balingkinitan, nakasuot na puting t-shirt at pocket short pants at walang sapin sa paa. Nabatid mula sa imbestigasyon na ang bangkay ng biktima ay natagpuan dakong alas-10:15 ng umaga ng isang nagngangalang Francisco Laurel, 60. Ayon sa pulisya, nakita ang biktima na nakalutang sa Estero de Vitas, Gamban St., ng nabanggit na lugar habang ito ay nakalutang. Nabatid pa nakatali ng isang itim na electrical cord ang mga paa’t kamay nito at malapit nang maagnas bunga ng matagal na pagkakababad nito sa maruming tubig ng estero. Gayunman, wala umanong nakakakilalang residente sa nabanggit na lugar sa biktima kung kaya’t malaki umano ang posibilidad na ito ay itinapon lamang dito. (Grace dela Cruz)