Naaalarma na ang pamahalaang lunsod ng Muntinlupa sa biglaang pagtaas ng kaso ng nakamamatay na sakit na dengue makaraang maitala ang pinakamataas na antas ng bilang ng mga pasyenteng tinamaan ng nasabing sakit sa iba’t ibang pagamutan ng lungsod partikular na sa Asian Hospital.
Ayon kay Muntinlupa City Mayor Aldrin San Pedro, umabot na umano sa “alarming ratio” ang bilang ng tinamaan ng dengue sa kanilang lungsod kung kaya’t lahat ng mga pamamaraan ay kanila ng isinasagawa upang mapuksa ang mga lamok na nagdadala ng naturang sakit.
Isinisi naman ng mga residente ng Muntinlupa ang umano’y sobrang kapal na ng bunton ng water lilies sa baybaying dagat sa kinasasakupan ng lungsod na umaabot na sa may 900 metro at umano’y nagsisilbing breeding ground ng mga lamok.
Sa kasalukuyan ay ginagawan na umano ng paraan ni San Pedro ang nakakaalarmang sitwasyon kung kaya’t agad siyang bumuo ng grupo upang hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga may sakit ng dengue sa kanilang lungsod.
Lahat ng posibleng paraan ay ginagawa na rin umano ng lungsod at ng mga health agencies, pribado man o pampubliko para maagapan ang sitwasyon nang hindi na lalong lumala pa ito at hindi na magkaroon pa ng dengue outbreak.
Kahapon ay idinaing naman ni San Pedro ang hindi lubusang pakikiisa ng mga opisyal ng mga eksklusibong subdivision sa lungsod makaraang tumanggi ang mga ito na papasukin ang kanyang binuong team upang linisin ang masusukal na lugar at makapagsagawa ng fogging operation. (Rose Tamayo-Tesoro)