Plano ng Manila Police District (MPD) na kasuhan ang mga tinatawag na usisero sa tuwing mayroong nagaganap na krimen sa isang lugar.
Ito ang ipinahayag kahapon ni MPD-Homicide Chief Alejandro Yanquiling kasunod ng ipatutupad na seminar nito para sa kaalaman ng iba’t ibang sektor kaugnay dito.
Ayon kay Yanquiling ang nabanggit na plano ay bunsod na rin ng patuloy na paglala ng sitwasyon at pagkatalamak ng mga usisero na mag-usisa sa mga krimen na nagaganap sa iba’t ibang panig ng Maynila.
Sinabi ni Yanquiling na nasisira ng mga usiserong ito ang mga nagkalat na ebidensiya sa mga pinangyarihan ng krimen kung kaya’t nagkukulang ang mga nakakalap na ebidensiya ng mga kagawad ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Kasama na umano sa mga itinuturing na mga usisero ay ang ilang kagawad ng media kung saan ang mga ito umano ang siyang nangunguna na tumawid sa mga police lines.
Bunsod nito’y magbibigay din ng isang seminar ang MPD para sa mga kagawad ng media, partikular ang mga photographers at cameramen para maunawaan ang medico legal investigation tulad ng DNA test, finger prints at iba pa.
Makikipag-ugnayan ang tanggapan ni Yanquiling sa mga miyembro ng media , local government, ilang ahente ng Federal Bureau of Investigation (FBI) kung saan ang mga imbitadong speakers ay nagmula pa sa US embassy na sina Stephen Cutler, legal attache at Deputy nito na si John Sapinoso.
Ang nabanggit na seminar ay gagawin sa darating na October 18, ganap na alas-8 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon. (Grace dela Cruz)