Isang pamilya na kinabibilangan ng lima katao ang nasa kritikal na kondisyon matapos na pagtatagain ang mga ito ng isa sa kanilang kapamilya na umano’y sinaniban ng masamang espiritu kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Kinilala ang mga biktima na inoobserbahan sa FEU General Hospital sanhi ng mga tinamong taga sa kani-kanilang katawan at ulo na sina Eleuterio Totanes, 52; ang misis nitong si Elizabeth, 45; mga anak nilang sina Eloiza, 28; Louis, 22, at Mariel Liz, 18, pawang residente ng Block 48, Lot 18 Buenamar Street, Capitol Park Homes II. Brgy. 178, Camarin ng nabanggit na lungsod.
Agad namang nadakip ang suspect na si Alejandro Totanes, 20, anak din nina Eleuterio at Elizabeth.
Ayon sa report, dakong alas-2:50 ng madaling-araw nang maganap ang in sidente sa loob ng bahay ng pamilya Totanes sa nasabing lugar habang mahimbing na natutulog ang pamilya Totanes at sa hindi malamang kadahilanan ay bigla na lamang pinagtataga ng suspek. Unang sinalakay ng suspect ang kanyang mga magulang at saka isinunod ang tatlo niyang kapatid at ang pinagrabe ay si Mariel Liz.
Sa kabila ng mga tinamong sugat ay nakuha pang makipag-agawan ni Eleuterio sa jungle bolo ng anak at sa tulong ng ilang mga kapitbahay at guwardiyang si Wilmer Galvan Jimenez, 21, ay tuluyang nadisarmahan ang suspect at dinala sa himpilan ng Sub-Station (SS) 4 ng Caloocan-PNP. Kaagad namang isinugod ang mga biktima sa nasabing pagamutan. (Lordeth Bonilla)