Nahulog sa Talayan creek sa Quezon City ang isang trak na may kargang 350 sako ng bigas kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa driver ng 10-wheeler truck na si George Siapno, nawalan ng kontrol ang kanyang minamanehong trak nang antukin siya habang nagmamaneho mula sa kanilang biyahe galing Tarlac para mag-deliver ng bigas sa San Juan City.
Hanggang alas-8 ng umaga kahapon, hindi pa rin naalis ang trak sa naturang creek kaya maraming kabataan ang nagkanya kanya ng hakot ng bigas na natapon naman sa daan.
Dalawang katao naman na nakilalang sina Carlos Bonifacio at Efren Dumahan ang dinampot ng mga pulis at dinala sa presinto nang mahuling isinasakay na sa isang tricycle ang dalawang sako ng bigas na kinuha sa trak. Pinabulaanan nila ang akusasyon. (Angie dela Cruz)