Kosa kinatay ng kakosa

Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang lalaki ng kanyang matalik na kaibigan at kakosa sa gang dahil  umano sa onsehan sa droga,  ka­ha­pon ng umaga sa  San Andres, Maynila.

Patay na bago pa man idating sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Roy Gon­zales, may-asawa ng 2189 Granate St., San Andres, Maynila,  samantalang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek na si Danilo Petate, 45, ng 2072 Granate st. ng naturang lugar.

Sa ulat ni  Det. Paul Dennis Javier ng Manila Police District (MPD)-Homicide section, dakong alas-7:30 ng gabi nang pagsasaksakin ng suspek ang biktima sa harapan ng bahay sa 2119 Granate St., San Andres, Maynila.

Kasalukuyan umanong nakaupo ang biktima sa isang nakaparadang side car sa na­turang lugar nang lapitan siya ng suspek at walang sabi-sabing pinagsasaksak ito.

Nang matiyak na patay na ito ay tumakas ang suspek at nagsalita pa ito ng “Napuruhan din kita, patay ka na ngayon”.

Ayon kay Javier, dating ma­talik na magkaibigan ang dalawa at kapwa miyembro ng Sputnik gang.

Nakuha naman sa pag-iingat ng biktima ang umano’y sachet ng ipinagbabawal na gamot kaya dito tumututok ang mga imbes­tigador kung may ka­ugnayan sa droga ang pag­patay dito. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments