Tatlo ang kumpirmadong nasawi, habang 13 naman ang malubhang nasugatan makaraang mabagsakan ang mga ito ng bakal na biga at bumigay na pader sa isang contruction site, kahapon ng umaga sa Parañaque City.
Durog ang mukha nang madaganan ng bakal na biga at namatay noon din ang biktimang si Lorenzo Ramos, construction worker sa itinatayong warehouse ng Wilcon Builders Depot na nasa Dr. A. Santos Avenue, Sucat, ng nasabing lungsod. Habang nasawi naman sa pagamutan sina Balbino Ocampo at Juscino Abesamis.
Kabilang naman sa mga nasugatan at nilalapatan ng lunas sa Olivarez General Hospital sina Robert Dalena; Marlon de Leon; Pablo dela Cruz; Joel Baluyot; Gil Gomingo; Ben Banong; Silverio Quiriaga; Lino Domingo; Ricky Garcia; Sonny Fran; Jun Feliciano at Boy Evangelista, habang si Eliseo Maducduc, 52, ay nasa kritikal naman na kondisyon nang madaganan ng malapad na biga at pader.
Ang mga biktima ay iniulat na nabalian ng buto, pumutok ang ulo at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Batay sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas-11:31 ng umaga, habang ang mga nabanggit na trabahador ay magkakasamang iniaangat ang malapad na bakal na biga para gawin sanang bubungan ng nasabing warehouse.
Napag-alaman pa na ang nasabing biga ay itinali sa magkabilang dulo na ikinabit sa pader at dahil sa may kalambutan ang lupang pinagbabaunan ng pundasyon nito ay biglang nahatak ang pader na naging dahilan upang bumagsak ito at tuluyang gumuho na tinatayang may taas na 150-metro.
Nabatid na ang mga trabahador na nasa itaas ng beam ay nagtalunan naman at nadaganan ang mga umaalalay sa ibaba malapit sa pader.
Sa panayam ng PSN kay Parañaque City Mayor Florencio “Jun” Bernabe, magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon kaugnay sa nasabing pagguho sa Wilcon Builders Depot.
Nabatid na ang itinatayong warehouse ay naka-sub contract sa 5-Red Lions Corporation na pinamamahalaan ng general manager na si Wilson Herrera at project Engineer Larry Poldo. Sinabi pa ni Bernabe na pananagutin nila ang project engineer at contractor maging ang arkitekto ng plano ng warehouse sakaling mapatunayang nagkaroon ng kapabayaan ang mga ito sa ginagawang bodega. Kasama namang paiimbestigahan ni Mayor Bernabe ang opisyal ng City Engineer na si Noel Cerpina na pumirma ng building permit sa itinatayong humigit kumulang sa 9,000 sqms na lupain ng Wilcon Builders Depot.
Tumagal naman ng may dalawang oras ang isinagawang retrieval operation ng rescue team mula sa Makati City, Parañaque at Metro Manila Development Authority (MMDA).