Binata shinotgun ang sarili

Palaisipan pa sa pulisya ang umano’y ginawang pagpapatiwakal ng isang 24-anyos na binata matapos itong magbaril sa dibdib ng isang shotgun kahapon ng madaling-araw sa Navotas City.

Nasawi noon din ang biktimang si  Cesar Barcelona Malicsi, ng 242 Governor A. Pascual Street, Barangay Sipac ng na­banggit na lungsod. Ayon sa report, dakong alas-3 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng kuwarto ng biktima sa naturang lugar. Nabatid na nagluluto ng almusal ang ama nitong Cornelio Malicsi, nang  marinig ang malakas na pag­sabog na nagmula sa silid ng biktima.

Agad na tinungo ng matandang Malicsi ang pinag­mulan ng pagsabog at laking gulat nito nang makitang duguang nakahan­dusay ang biktima katabi ang ginamit nitong shotgun. Hindi pa mabatid ng pulisya kung ano ang motibo sa ginawang pagbabaril nito, gayunman inaalam pa rin ng pulisya kung may na­ganap na foul play sa insidente. (Lordeth Bonilla)

Show comments