Ikukonsidera ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pagbawi sa permit para makapag-rally ang mga militanteng grupo sa Mendiola sa sandaling lumabag ang mga ito sa kasunduan na maglalagay sa panganib sa palasyo ng Malacañang.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Calderon, ito ang tiniyak sa kaniya ni Lim sa sandaling maging bayolente ang mga kilos protesta sa Mendiola ng mga anti-government groups.
“Mayor Lim will consider to cancel the permit of the anti-government demonstrators once they become violent, the rallyist should not occupy the foot of Mendiola bridge “ pahayag ni Calderon. Si Calderon ay nakipagpulong kay Lim sa idinaos na peace and order meeting sa lungsod ng Maynila . Sa pag-upo ni Lim bilang alkalde ng lungsod ng Maynila ay nagpalabas ito ng resolusyon para buksang muli ang Mendiola sa mga raliyista tuwing araw ng Sabado, Linggo at holidays.
Tiniyak naman ni Calderon na pananatilihin ng pamunuan ng PNP ang pagsunod sa panuntunan ni Lim na maaring makapagsagawa ng kilos protesta ang sinumang grupo sa makasaysayang Mendiola o Chino Roces Bridge. Samantalang mananatili naman ang pagpapatupad ng maximum tolerance ng PNP at ang “no permit no rally policy” upang hindi magkaroon ng problema sa seguridad. (Joy Cantos)