Namatay noon din ang isang inmate na “Kano” makaraang pagbabarilin ito sa dibdib ng isang confidential agent nang umano’y magwala ang una sa loob mismo ng Bureau of Immigration (BID) detention center, kahapon ng umaga sa Taguig City.
Hindi na umabot nang buhay sa South Super Highway Medical Center ang biktima na kinilalang si Jessie James Bronsil, binata at isang American national sanhi ng mga tama ng bala sa dibdib buhat sa M16 rifle.
Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang nasabing confidential agent ng BID na si Ricardo Irese, 62.
Batay sa ulat, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-9:15 at 9:30 ng gabi sa loob mismo ng Bicutan Detention Center, Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Napag-alaman na mahigit ng isang taon ng nakakulong ang nasabing “Kano” sa BID detention center bilang isang illegal alien.Nabatid na inilabas sa selda ang biktima upang hindi makapanghawa sa taglay nitong sakit na tuberculosis sa mga kasamahang inmates nito at pinatira na lamang ang una sa isang kubo na malapit sa kanyang dating detention cell. Ayon naman sa pahayag ng mga guwardiya, sa hindi mabatid na kadahilanan ay biglang nagwala umano ang biktima na sinasabing lango sa alak at armado ng patalim.
Ilan minuto umano makalipas humupa ang nasabing senaryo ay muling kumuha ng screwdriver ang nasabing dayuhan at muling nagwala umano at nanghamon ng away sa mga BID personnel.
Tinangka umanong sasaksakin ng dayuhan ang suspect na si Irese dahilan upang pagbabarilin ng huli ang una sa dibdib gamit ang isang M16 rifle. (Rose Tamayo Tesoro)