Namatay habang nilalapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center si Roger Espineda, may kasong theft, nang hindi na nito makayanan ang tindi ng im peksiyon na nasa loob ng kanyang katawan.
Ayon kay SPO2 Victoriano Vergara, chief ng JMS, kamakalawa ng hapon nang isugod nila sa pagamutan si Espineda dahil na rin sa lumulubha nitong kalagayan.
Pinainom ng mga antibiotic sa pagamutan si Espineda subalit hindi na kinaya ng gamot ang impeksiyon na nasa loob ng katawan ng biktima dahilan upang tuluyan na itong mamatay.
Kamakailan lang ay napaulat na nagkakasakit sa pigsa, bulutong-tubig, galis-aso, kurikong, eczema, bungang araw, lagnat at iba pang sakit sa balat ang mga preso sa JMS.
Dahil na rin sa sobrang siksikan at init ng panahon, madaling kumalat ang sakit sa halos lahat ng preso sa loob ng JMS.
Napag-alaman pa na mayroong tatlong selda ang JMS at ang bawat isa nito ay naglalaman lamang ng 10 ngunit bago mamatay si Espineda ay umaabot sa 58 inmate ang nakakulong dito. (Lordeth Bonilla)