Ayon sa legal counsel ni Honasan na si Atty. Victor Lansang, si Makati RTC Judge Oscar Pimentel ng Branch 148 ang nag-isyu sa naturang desisyon. P210,000 ang inilaang piyansa para sa kanyang kalayaan. Habang isinusulat ang balitang ito ay naghahanda na ang kampo ni Honasan para sa kanyang pagpipiyansa.
Ayon pa kay Lansang na ang naturang desisyon ng korte na makapagpiyansa ang dating senador ay kasunod naman ng naunang ruling ni Judge Pimentel tungkol sa reinvestigation ng kasong pagkakadawit sa kudeta ni Honasan.
Sa iniharap na motion for bail ng kampo ni Honasan, binanggit ni Lansang na kung nag-utos ng reinvestigation ang korte noong nakalipas na Pebrero nangangahulugan na wala pang nakaharap na kaso laban dito kaya marapat lamang na mapalaya ito.
Si Honasan ay tumatakbong independent candidate sa pagka-senador sa darating na halalan sa Mayo. Ang kanyang pamilya ang siyang nangangampanya sa kanya sa mga probinsiya.
Ayon pa sa isang abogado ni Honasan na si Cherrie Cruz, nakikipag-ugnayan na sila sa CIDG sa Camp Crame para sa pagpoproseso sa pagpapalaya kay Honasan. Ang CIDG ang siyang may kustodya sa dating senador na nakapiit sa Fort Sto. Domingo Special Action Force Headquarters sa Sta. Rosa, Laguna.
Magugunitang si Honasan na nagsimulang magtago noong nakalipas na taon makaraang mag-isyu ng arrest warrant laban dito ay isinasangkot sa nabigong Oakwood mutiny noong 2003. Nahuli si Honasan noong nakalipas na Nobyembre sa isang subdivision sa Quezon City. (Edwin Balasa At Angie Dela Cruz)