Paslit patay sa sunog

Patay ang isang-taong gulang na paslit matapos na ito ay makulong sa nasusunog nilang bahay kahapon ng umaga sa Sta. Mesa Maynila.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya nakilala lamang ang biktimang si Audrey Fernandez, ng 4805 Road 2, V. Mapa, Sta. Mesa.

Ayon kay Arson Investigator SFO1 Rodelio Nevis, ang sunog na bangkay ni Fernandez ay natagpuan sa tabi ng hagdanan ng kanilang tahanan. Halos hindi naman makausap ang mga magulang ng paslit na nabatid na nasa trabaho nang maganap ang sunog dakong 10:53 ng umaga kahapon. Sinabi ng imbestigador, posibleng nalaglag mula sa ikalawang palapag ang paslit kaya’t sa may hagdanan na ito natagpuan.

Nabatid na ang sunog ay nagsimula umano sa isang bodega sa 4777 Road 2, V. Mapa na pag-aari ng isang Irene Peñaranda.

Umabot ng hanggang ikaapat na alarma ang sunog na naapula ng mga rumespondeng pamatay-sunog dakong alas-11:33 ng umaga kahapon.

Walong kabahayan ang naabo sa sunog kabilang na ang tahanan ng biktima. (Doris Franche)

Show comments