Ayon sa NPD, ipinalabas na ang "warrant of arrest" ni Judge Thelma Trinidad-Pe Aguirre ng Caloocan City Regional Trial Court, Branch 129 laban sa mga akusado na sina Brgy. 168 Capt. Graciano Victoriano, umano’y nagtatago sa La Union; Santiago Lumabao, ang self-confessed suspect at Ricky Flor, tanod ng Brgy. Bignay, Valenzuela City.
Ang tatlong nabanggit ay kabilang sa 9 katao na unang sinampahan ng kasong multiple murder sa sala ni Judge Eleonor Kwong ng RTC Branch 128 subalit pinakawalan matapos na magpalabas ang huli ng kautusan na ibasura ang kaso nang ibase ang order sa inihain naman ni Asst. Prosecutor Nestor Dabalos na "withdrawal of information".
Kabilang sa unang sinampahan ng kasong multiple murder ang anim pang mga tanod na sina Dandoy Estrella, Ariston Yuraba, Rodel Macabuhay, Danilo Campos, Romeo Pacheco at Francisco Bernal, pawang sa Brgy. Bignay.
Ang naturang chairman kasama ang walo pang nabanggit na akusado ay kinasuhan ng multiple murder dahil sa pagpatay sa mga biktimang sina Ramon Villanueva, Jefferson Agipanan, Jun Azuero, Arthur Cadorna, Judril Megiso at Reymie Ponteros, pawang mga obrero ng King Dragon Remelting Aluminum Co. ng Meycauayan, Bulacan, matapos na pagbabarilin sa ulo at katawan sa loob ng Nova Romaina Subd. sa Deparo noong Oktubre 1, 2006.
Magugunita na pumalag si Sr. Supt. Napoleon Cuaton, dating hepe ng Caloocan Station Investigation Detection and Management Bureau nang kuwestiyonableng idismis ang kaso ng mga akusado. Naghain ng apela sa Dept. of Justice si Cuaton upang igiit na ’di makatarungan ang kautusang ibasura ang kaso noong Nobyembre, 2006 sanhi upang muling maiakyat ito sa korte sa sala ni Pe Aguirre laban sa mga akusado. (Ellen Fernando)