Sa report ni P/Senior Supt. Efren Labiang, hepe ng 1st Police Center for Aviation Security (PCAS) kay P/Senior Supt. Atilano Morada, director ng ASG, kinilala ang dayuhan na si Michael Christian Joseph Brionne, 66, at may hawak ng French passport number 04TK45685.
Ayon sa ulat, nakatakdang tumulak patungong Bangkok si Brionne kasama ang kanyang asawa lulan ng Cebu Pacific flight 5J 931 dakong alas-10:40 kamakalawa ng gabi.
Habang naghe-head count si Ma. Charisma Robale, Chief cabin attendant, napansin nito ang hand-carried bag ng dayuhan at pinayuhang ilagay sa overhead compartment.
Subalit hindi sumunod si Brionne at paulit-ulit na sinabi nitong: "I want it near me because I have a bomb inside it."
Kaagad naman ipinagbigay alam ni Robale sa pilot-in-command ang sinabi ni Brionne at kaagad na ipinag-utos na i-off-load ang pasahero. Kaagad ding nagreport ang piloto sa Airport Security Center (ASC).
Sinecure kaagad ng mga kagawad ng ASG ang eroplano at dinala sa isolation remote area sa dulo ng Runway 06 upang magsagawa ng panelling.
Pinababa naman ng mga awtoridad si Brionne at inimbitahan sa himpilan ng ASC upang maimbestigahan.
Sinabi ni Brionne sa mga imbestigador na nagkamali lang ng dinig ang cabin attendant. Hindi bomb kundi bunch bag umano’y sinabi ni Brionne subalit, pinasinungalingan naman ito nina Jessica Inawat, Bernadette Bernardino at Rusy Clarisa, pawang mga flight attendant na noon ay malapit sa pasahero.
Nakaalis ang eroplano dakong ala-1 ng umaga kahapon matapos ideklara ng mga awtoridad na ligtas ito sa anumang uri ng pampasabog.
Sinabi naman ng Bureau of Immigration na posibleng ilagay si Brionne sa listahan ng mga undesirable aliens upang hindi na muling makabalik sa bansa. (Butch Quejada)