2 holdaper umatake sa Caloocan: Cashier, 2 pa dinale

Tatlo katao kabilang ang isang cashier at estudyante ang halos magkasunod na biniktima ng mga gumagalang holdaper sa magkakahiwalay na insidente sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Eden Padre, cashier, ng Lot 72, Block 11, Phase 3-E1, Padas Alley, Brgy. 12, Caloocan City; Marvin Flores, 15, estudyante, ng Pamasawata, Block 4, Lot 3, Road 10, Dagat-Dagatan at Guia Galuren Gumitang, 18, ng No. 40 Josephina St., 5th Avenue, nasabi ring lungsod. Ayon sa ulat ng Caloocan Police, dakong alas-8:30 ng gabi nang holdapin si Padre ng dalawang armadong kalalakihan.

Naglalakad ito papauwi nang biglang sumulpot ang dalawang suspect na ang isa ay armado ng kalibre .45 saka mabilis siyang tinutukan ng baril.

Hinablot naman umano ng isang suspect ang kanyang dalang bag na naglalaman ng P80,000 cash, cellphone at mga mahahalagang dokumento.

Nauna rito, dakong alas-7 ng gabi nang holdapin din si Flores habang naglalakad kasama ang pinsan sa may Langaray Market, Langaray St., Dagat-Dagatan at agad na nilimas ang kanyang mga alahas at pera.

Hindi pa tapos ang reklamo ni Flores sa pulisya nang respondehan naman ng mga ito ang isa pang biktima na si Gumitang. Naglalakad din ito nang nilapitan ng dalawang lalaki at nagdeklara ng holdap. Tinangay sa kanya ang isang cellphone na Samsung SGH-N620 na nagkakahalaga ng P4,000. (Ellen Fernando)

Show comments