Hindi na makilala sanhi ng tinamong pagkasunog ng buong katawan ng biktima na si Rolando Fermin, 37, residente ng 95 Pag-asa St., Brgy. Harapin ang Bukas ng lungsod na ito, habang patuloy namang ginagamot ang kasama nitong si Lazaro Caaya sa Mandaluyong City Medical Center na nagtamo ng 2nd degree burn sa buong katawan.
Ayon kay FO2 Victorio Tablay, ng Bureau of Fire ng Mandaluyong City, naganap ang insidente dakong alas-6:15 ng gabi sa loob ng Asian Chemical Compound na matatagpuan sa 927 Castañeda St Brgy. Namayan ng nasabing lungsod kung saan empleyado ang mga biktima.
Nabatid na nagsasalin ng chemical solvent ang dalawang biktima sa isang chemical tank ng sa hindi maipaliwanag na dahilan ay bigla na lang umano itong sumabog.
Napag-alaman na si Fermin ang may hawak ng hose habang isinasalin ang chemical solvent sa tanker kaya ito ang direktang nasabugan dahilan ng pagkasunog nito at agarang pagkamatay, habang nagawa pang makatakbo ni Caaya subalit dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy sa paligid ay naabutan din ito na naging dahilan ng tinamo nitong pinsala sa katawan.
Kaagad namang nakaresponde ang mga pamatay sunog at naapula ang apoy makalipas ang isang oras na umabot sa ika-apat na alarma habang tinatayang P3 milyon ang naiulat na naabo sa insidente.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Bureau of Fire kung ano ang dahilan ng nasabing pagsabog. (Edwin Balasa)