Mga signage, babaklasin pa rin – MMDA

Dahil bawal, gigibain ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga signage sa road right of way may abiso man ito o wala sa mga may-ari ng establisimiyento o kumpanya sa Kalakhang Maynila. Ayon kay MMDA General Manager Robert C. Nacianceno, ang SOGO ang siyang may pinakamaraming nakakalat na signboards na tumatakip sa mga traffic signs sa lansangan.

Sinabi ni Nacianceno na pasaway sa pagkakabit ng signages ang SOGO dahil mismong sa mga intersection ang pinipili nilang lugar na paglagyan ng kanilang pangalan para madali itong makita ng kanilang mga customer.

Nabatid na magiging aktibo rin ang kinatawan ng Department of Public Works and Highways(DPWH) sa pagbabaklas ng mga billboards na muling ikinabit dala nang mga kumpetisyon sa negosyo.

Tuloy din ang clearing operations ng MMDA sa mga suwapang na traders na kumakamkam sa sidewalk at nagtatambak ng kanilang merchandise para makabenta at kumita sa kabila nang paglabag sa mga ordinansa at batas na ipinatutupad ng MMDA.

Plano ng MMDA na postehan ng mga barangay officials ang mga lugar na nauna na nilang nalinis sa illegal vendors.

Hiniling naman ng pamunuan ng ahensiya na imbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabalewala at hindi paghuli at pagsita sa mga illegal vendors, illegal terminals, illegal parking ng mga sasakyan na dahilan ng obstruction sa mga kalsada.

Dahil dito, ipinababatak ni MMDA Chairman Bayani Fernando ang lahat ng sasakyan na may paglabag sa kasong double parking sa kalsada at iimbak ito sa impounding area ng MMDA.

Sinabi ni Fernando, kung nais ng publiko na gumamit ang MMDA ng super force para tumino at sumunod ang mamamayan sa disiplina at batas, ibibigay nito ito sa mga pasaway na motorista. (Lordeth Bonilla)

Show comments