Ang mga suspect na sina Antonio Magas, 51; anak na si Jeffrey, 20; at Elmer Esguerra, 36, operator at manager ng octopus ride ay sinampahan na ng kasong negligence resulting to homicide and serious physical injuries sa pagkamatay ni Catherine Diane Picandal, at pagkasugat ng anim na iba pa na nakilalang sina Kimberly, 14, kapatid ng nasawi; Dianalyn Reyes, 12; Robin, 15, kapatid na si Rudy Tamayo, 13; Raymond Abagon, 17; at kapatid na si Ronald, 15, nang bumagsak ang galamay ng sinasakyan nilang octopus ride dakong alas-4:30 ng hapon noong Lunes, araw ng Pasko.
Samantala, bukod sa tatlong suspect ay nakatakdang kasuhan din ang umanoy may-ari ng mini-carnival na nakilalang si Roy Atienza at hinihintay pa ang paglabas ng warrant of arrest laban dito.
Patuloy pa ring nasa kritikal na kondisyon ang kapatid ni Catherine na si Kimberly at mula sa Amang Rodriguez General Hospital ay inilipat ito sa Medical City sa Pasig City.
Dahil sa pangyayari ay pansamantalang ipinasara ni Marikina City Mayor Ma. Lourdes Fernando ang mga rides sa mini-carnival na matatagpuan sa Marikina River Park, Brgy. J. dela Peña ng nasabing lungsod.
Humihingi naman ng tawad ang mga nakulong na suspect sa mga magulang at kaanak ng mga biktima dahil hindi rin nila ginusto ang nangyari at talagang aksidente umano ang pangyayari. (Edwin Balasa)