Multiple murder vs brgy. chairman, 8 pa balik sa korte

Balik sa korte ang kasong "multiple murder" laban sa isang barangay chairman at walo pang katao na umano’y brutal na pumatay sa anim na obrero sa Caloocan City kamakailan matapos na katigan ng korte ang mosyon ng Caloocan Police na muling buksan ang kaso kasunod ng kaduda-dudang pagkakadismis nito.

Ayon kay Supt. Napoleon Cuaton, deputy chief of police ng Caloocan Police, na siya ring naghain ng "motion for reconsideration" sa korte, iniutos na ni Justice Secretary Raul Gonzalez ang re-filing ng multiple murder case laban sa mga akusadong sina Chairman Graciano Victoriano, ng Brgy. 168 sa Bignay, Valenzuela City at mga tanod na sina Dandoy Estrella, Ariston Yuraba, Rodel Macaguhay, Danilo Campos, Romeo Pacheco, Francisco Bernal, Ricky Flor at Santiago Lumabao.

Ang mga nabanggit na akusado ay nakalaya matapos ang "kuwestiyonableng" desisyon ni Judge Eleonor Wong ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 128 nang maghain ng motion to withdraw information si Caloocan Asst. Prosecutor Nestor Dabalos kasunod ng paghahain ng affidavit of desistance ng mga pamilya ng mga biktima na sina Ramon Villanueva, Jefferson Azuero, Arthur Cadorna, Judril Megiso at Reymy Ponteros, pawang mga factory worker ng King Dragon Remelting Aluminum Co. na matatagpuan sa Sto. Niño, Meycauayan, Bulacan.

Matapos ang kautusan ni Gonzalez, muling umakyat ang kaso sa sala ni Judge Luisito Sardillo ng Caloocan RTC at sisimulan ang pagdinig nito sa Enero, 2007.

Nakatakda namang magpalabas ng warrant of arrest si Sardillo sa mga nabanggit na mga akusado. Tatlo sa mga akusado kabilang si Victoriano ang unang naaresto at nakulong subalit pinalaya matapos na idismis ng korte ang kaso.

Nauna rito, tahasang inakusahan ni Cuaton ang naturang fiscal at hukom na posibleng nagsabwatan ang mga ito upang mabasura ang kaso. Tumanggap din umano ng halagang P3 milyon ang pamilya ng mga biktima sanhi upang iurong ng mga ito ang kaso at maghain ng "affidavit of desistance." (Ellen Fernando)

Show comments