Pagsuspinde kay Binay tuluyang binasura ng CA

Magiging maganda ang Pasko ni Mayor Jejomar Binay matapos na pabalikin ito ng Court of Appeals (CA) sa kanyang posisyon bilang alkalde ng Makati City. Ito ay matapos na magpalabas ang Court of Appeals (CA) ng preliminary injunction na nag-aatas na makabalik at maupo muli si Binay bilang Mayor ng Makati City.

Sa anim na pahinang resolution na ipinalabas ng CA, ipinaliwanag nito na hangga’t hindi nagpapalabas ang korte ng panibagong kautusan ay wala nang makakapagpatalsik kay Binay sa puwesto.

Inatasan din ng CA ang Department of Interior and Local Government (DILG) at ang Malacanang na itigil na ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa kasong administratibo na isinampa ng kalaban ni Binay sa pulitika na si Roberto Brillante.

Kaugnay nito, ibinasura din ng korte ang motion ng mga nabanggit na respondents na humihiling na alisin ang naunang Temporary Restraining Order (TRO) na ipinalabas ng CA.

Gayunman, inatasan ng CA si Binay na maglagak ng P500,000 bilang bond habang pinahihinto na ang implementasyon ng suspension order laban dito. (Grace dela Cruz)

Show comments