Mahistrado ng CA nag inhibit sa kaso ni Calixto

Nagbitiw sa paghawak ng petisyon ni suspended Pasay City Vice Mayor Antonino Calixto ang isang mahistrado ng Court of Appeals (CA) na kabilang sa itinalagang division of five.

Nilinaw sa resolusyon ni Associate Justice Ramon Garcia, ng CA 17th Division, na ang kanyang pagbibitiw ay bilang pagkatig na rin sa naging kahilingan ni Calixto.

Si Calixto ay muling naghain ng petisyon sa CA upang ganap na makaupo bilang acting mayor ng Pasay matapos magtagumpay sa hinihinging tempory restraining order (TRO) na pumigil aniya sa 6-months suspension na iginawad sa kanya ng Ombudsman.

Gayunman, ang naturang petisyon ni Calixto ay nai-raffle kay Garcia. Ayon kay Calixto, si Garcia ay tumutol noon na maipalabas ang TRO sa kanyang suspensyon.

Dahil naman sa delicadeza, nagpasya si Garcia na pagbigyan ang kahilingan ng bise alkalde at magbitiw na sa paghawak ng panibagong petisyon ni Calixto.

Bunsod nito, ang mga record ng kaso ay ibabalik sa raffle committee ng CA na siyang magsagawa ng re-raffling upang mailipat sa ibang mahistrado ng CA ang petisyon ng bise alkalde.

Magugunitang pinaburan ng CA ang hininging TRO ni Calixto laban sa ipinataw na suspensyon ng Ombudsman. Gayunman, nananatili itong suspended at hindi makabalik sa puwesto matapos magpalabas ng panibagong suspension order ang Malacañang laban sa kanya. (Grace dela Cruz)

Show comments