Ayon kay Northern Police District Director Chief Supt. Leopoldo Bataoil, nakilala ang mga nadakip na sina Graciano Victoriano, chairman ng Brgy. Bignay, Valenzuela City; mga tanod na sina Bernardo Naval, Alejandro Galapo, Roselio Flor, Richard Flor at Mark Anthony Estrella.
Narekober ng grupo ni Supt. Nap Cuaton, ng Investigation and Management Bureau ng Caloocan Police ang isang AUV van na may markang "Bignay Barangay Council" na hinihinalang ginamit at sinakyan ng mga suspect at ng mga pinaslang na biktima na sina Ramon Villanueva; Jefferson Agipanan, Jun Azuero, Arthur Cadorna, Judril Megiso at Reymie Ponteros Amaro, pawang trabahador sa King Dragon Remelting Aluminum plant na matatagpuan sa Sto. Niño, Meycauayan, Bulacan nang pumasok sila sa Nova Romania Subdivision sa Deparo, Caloocn City nitong Linggo ng madaling-araw bago natagpuan ang mga bangkay ng mga biktima na tadtad ng tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.
Nadiskubre ang krimen nang makita kinaumagahan ng mga sibilyan ang nagkalat na bangkay ng mga obrero. Narekober sa crime scene ang may 26 basyo ng M-16 at 5-slug ng kalibre .9mm pistol at tatlong patalim.
Isa pang tricycle na posibleng nagsilbing back-up ng mga suspect ang narekober sa lugar.
Ayon pa kay Cuaton na ipasasailalim pa sa masusing interogasyon ang mga nadakip na suspect. (Ellen Fernando)